Rico J Puno Becomes Emotional on ‘Pilipinas Win na Win’
Nabigla ang lahat noong nakaraang Huwebes matapos maging sobrang emosyonal ni Pilipinas Win Na Win host Rico J Puno, nang makapanayam ang isang clown sa patok na patok na segment ng kanyang noontime show na Theme Song Ng Buhay Ko. Hindi mapigil ang pag-agos ng luha ni Rico J na para bagang nakaka-relate siya sa makabagbag-damdaming buhay ng payaso.
Bagaman hindi ito ang unang beses na naging emosyonal si Rico J sa buhay ng mga contestants ng PWNW, naging kagulat-gulat pa rin ang labis niyang pag-iyak. Tanong tuloy ng ilan kung ano nga ba ang pinagdadaanan ni Rico J sa kasalukyan.
Sa isang exclusive interview matapos ang hit na hit na noontime show, buong pusong inilahad ni Rico J kung bakit lubos siyang naapektuhan sa contestant. Iginiit niya na tulad ng payasong naging kalahok sa PWNW, hangad lamang niya na makapagpasaya ng mga tao, kahit may mga sariling pagsubok sa buhay.
“Though lagi kang nagpapatawa at nagpapasaya ng tao, ang hindi nila alam ay may sarili din tayong mga problema na kinocover lang natin sa pagpapatawa lang natin. Bigla kong naisip yung buhay ko. Siyempre, marami pa ring umaasa sayo. Siyempre single parent din ako ngayon. May mga sinuportahan akong mga kapamilya,” ani Rico J.
Daing pa nang Hitmaker na sa kabila ng pagsisikap niyang ibigay ang lahat para sa kanyang mga mahal sa buhay, minsan ay nahuhusgahan at nababalewala pa siya. Ganumpaman, nilinaw ni Rico J na hindi siya nanunumbat sa kung kanino pa man. Hangad lang niya na mapahalagahan ang kanyang mga sakripisyo.
“Nakarelate ako dun sa mga kinuwento nila. Halimbawa, yung mga anak nung nagkukwento ng buhay, minsan ikinahihiya sila [bilang clown]. Pero yun ang kanilang pinagkakakitaan nila, kaya itinutuloy pa rin nila maski na maliitin sila nang ibang tao. Yung bang maski na nahihirapan ka na—sabihan ka na babaero ka at bastos ka—minsan nilulunok mo na lang iyon. Basta lang maipakita mo na ikaw ay matatag at nakakapagpaligaya ng tao… Kaya ako naiyak ,” pagbabahagi ni Rico J.
Nang tanungin naman si Rico J kung ano ang theme song ng buhay niya, agad nitong sinabi na Kapalaran na siya din ang umawit. “Ang buhay talaga kapalaran yan, hindi mo alam kung kelan ka tatanggap ng papuri at kung kelan ka masasawi. Ganunpaman ikaw din ang gumagawa ng buhay mo sa tulong ng Diyos at ikaw din ang natututo dahil sa sariling mga karanasan,” sabi ni Rico.
Samantala, dinumog naman ang concert ni Rico J kasama ang The Company sa Metro bar sa Quezon City. Kapansin-pansin na maraming mga avid viewers ng Pilipinas Win Na Win ang dumalo.
“Sobrang isang malaking karangalan sa akin na makasama ang The Company sa isang concert . Alam naman natin na 25 years nang namamayagpag ang The Company at maituturing na silang legends,” sabi ni Rico.
Inamin din ni Rico J na ilang araw bago ang kaniyang pinakaa-abangang concert, ay nag-bonding sila ng Hitmakers na sina Marco Sison, Nonoy Zuñiga, at Rey Valera, at co-hosts na sina Pokwang, Valerie Concepcion, Janelle Jaymer at Gee Canlas sa kanyang pag-aaring Coricks bar. Patunay lamang ito na hindi lang pang TV ang pagkakaibigan ng PWNW hosts.
“Ang saya ng naging bonding namin. We discovered na madami pala kaming gustong malaman sa isa’t isa,” lahad ni Rico J
Bago tuluyang bumirit ng kanyang mga legend hits, sinamantala ni Rico J ang masayang ambience ng bar at walang patumanggang nagbato ng kanyang mga “slight green” jokes. Aniya, minsan na lang niya gawin ito dahil bawal ‘yun sa PWNW. Hindi naman magkamayaw sa paghiyaw ang mga audience matapos marinig ang kanyang mga biro.