Migs Bustos, Kikilalanin ang Chef na Dating Nalugi, Pero May Iba’t Ibang Food Business na sa ‘My Puhunan’
Isang makabuluhang umaga na naman ang hatid nina Karen Davila at Migs Bustos dahil itatampok ang kwento ng pagbangon ni Saturnino “Chef N” Rovillos, CEO ng Illo’s Group of restaurants na dating naluging negosyante, sa “My Puhunan” ngayong Linggo (Agosto 18).
Kwento ni Chef N kay Migs, sunod-sunod na pagkalugi sa negosyo ang naranasan niya pero dahil sa determinasyon, ginamit niya ang P13,500 na puhunan upang muling subukan ang pagnenegosyo. Ngayon, may iba’t ibang food business na si Chef N at asawang si Anne na nagsimula sa maliit na puhunan. Kabilang dito ang dine in restaurant, buffet restaurant, roof deck bar, at marami pang iba.
Mapapanood din ngayong Linggo ang kwento naman ni Christian Bentulan na naging batang ama sa edad na 16. Dumaan sa depresyon si Christian, pero sa kabila ng matinding dagok sa buhay, humugot siya ng lakas sa pananampalataya at naging abala sa digital painting at paggawa ng mga book cover. Dahil sa pag-ariba ng kanyang karera, nakapagpundar na siya ng dalawang condo, dalawang sasakyan, at ng lupain.
Tampok din sa “My Puhunan” ang dalawang samahan ng mga PWD (persons with disability) na naghahanap ng marangal ng hanapbuhay. Ang isang grupo mula sa Kamuning, Quezon City, inaral ang urban farming para mapakinabangan ang lupang dating basurahan sa kanilang lugar. Ang PWD Kalawaan Association, Inc. naman sa Pasig, tinutukan ang paggawa ng bead craft at pagtatahi ng mga katsa.
Huwag palampasin ang mga kwentong puno ng inspirasyon sa ‘My Puhunan: Kaya Mo!’ kasama sina Karen Davila at Migs Bustos simula ngayong Linggo, Agosto 6, 2023, 9:30 a.m. sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, A2Z, news.abs-cbn.com/live at sa iba pang ABS-CBN News online platforms.
Leave a comment