Breaking

Pinky, Iimbestigahan ang Luxury Mansion ng Isang Gobernadora sa ‘XXX’

Tagong yaman ng isang gobernadora, pagpatay sa isang lider ng transport group, at modus ng isang kumpanyang tumatarget sa mga estudyante ang mga papasabugin sa publiko ngayong Lunes (Apr 9) ng award-winning investigative program na “XXX.”

Samahan si Pinky Webb na tuklasin ang katotohanan sa umano’y luxury mansion na pag-aari ng gobernadora ng Occidental Mindoro. Ayon sa source, hindi raw ito tugma sa idineklara niya sa kanyang statement of assets and liabilities o SALN.

Habang naghahanap si Pinky ng ebidensya, isang ebidensya naman ang tumambad mismo kay Anthony Taberna sa nangyaring pamamaril at pagpatay sa isang lider ng transport group sa Novaliches. Ipinaubaya ng tipster ang mismong notebook kung saan naisulat ng noo’y naghihingalong biktima kung sino ang pumatay sa kanya. Lahat ng ito ay dahil lamang sa alitan sa terminal ng dalawang grupo ng mga tsuper.

Samantala, titiktikan naman ni Julius Babao ang isang sistema ng networking na nanlilinlang sa mga walang malay na estudyante. Isa na rito si “Rica” na nakumbinseng maglabas ng pera bilang puhunan sa kumpanyang nangako sa kanya na kikita siya ng limpak na salapi kapag sumapi sa kanila. Sa pagnanais na makakikil sa mga estudyante, iminumungkahi pa umano ng kumpanya ang paraang B.U.S.T. o Benta, Utang, Sangla, at Tuition nang sa gayo’y maibigay ng mga biktima ang hinihingi nilang puhunan na P7,300. Hinihimok raw silang magbenta ng gamit, mangutang sa kakilala, magsangla ng alahas o ari-arian o kahit magkaltas sa mismong tuition nila para lang makapag-down ng halaga.

Pakatutukan ang “XXX” ngayong Lunes (April 9) pagkatapos ng Bandila¨sa ABS-CBN. Mapapanood din ito ng mas maaga sa DZMM TeleRadyo (SkyCable ch 26) sa parehong araw sa ganap na 9:15 PM.

Leave a comment

Your email address will not be published.