Independence Day Message from Deputy Speaker Loren Legarda
Mensahe ni Deputy Speaker Loren Legarda
Araw ng Kalayaan, June 12, 2021
Sa ika-isandaan at dalawampu’t tatlong pagdiriwang natin ng kalayaan bilang bansa, ang hangad natin ay makamtan din ng bawat Pilipino ang kalayaan sa kahirapan na siyang gumagapos sa marami nating kababayan.
Matagumpay man nating nabawi ang ating Kalayaan sa pang-aapi ng puwersang kolonyal, hindi natin maipagkakaila na may mga kapwa tayong Pilipino na patuloy na nagdurusa sa kahirapan na siyang pumipigil sa kanilang pag-unlad at pamumuhay nang maginhawa.
Ang isang tunay na malayang bansa ay isang bansa kung saan ang mga tao ay nakakapamuhay ng kontento at hindi nakakaranas ng pagdurusa, kung saan ang bawat isa ay nakaka-benepisyo sa pangunahing mga programa at serbisyong sosyo-ekonomiko, at kung saan kasamang umuunlad ng mga komunidad ang mga taong naniniharan dito.
Ang kasalukuyang pandemya at sunod-sunod na pananalasa ng mga sakuna ay naging dagdag-hamon sa bawat Pilipino. May mga kababayan tayong nawalan ng trabaho at kabuhayan na siyang tanging pinagkukunan ng kita para maitaguyod ang pangangailangan ng pamilya. May mga kababayan tayong halos isang beses sa isang araw nalamang kumakain at kung minsan nga ay wala ng makain dahil sa kawalan ng panggastos. May mga kabataang natigil sa pag-aaral dahil sa kawalan ng sapat na kagamitan para maipagpatuloy ito. May ibang namamatay na lang nang hindi man lang nakakapagpagamot.
Huwag na sana nating hayaang patuloy na magdusa ang ating mga kababayan. Huwag na nating hayaang madagdagan ang mga kumakalam na sikmura, mga pangarap na hindi naabot at ang bilang ng mga nasawi ng dahil sa hirap ng buhay. Isang hamon din sa pamahalaan na mabigyan ang mga mamamayan ng mas maraming oportunidad sa trabaho, pantay na pagkakataon upang magkaroon ng kalidad na edukasyon, serbisyong pangkalusugan, trabaho at pangkabuhayan, at ligtas na pamumuhay laban sa kalamidad bilang mahahalagang hakbang tungo sa matagumpay na pagsugpo sa kahirapan sa bansa.
Ngayong Araw ng Kalayaan, sama-sama nating ipaglaban din ang karapatan ng bawat Pilipino na magkaroon ng maayos at maginhawang buhay. Kasabay ng patuloy nating pakikipaglaban sa kasalukuyang pandemya, patuloy din nating isulong ang kalayaan ng bawat Pilipino sa kahirapan at bigyan sila ng pag-asang makamit ang buhay na kanilang inaasam.
Sa muli, isang Maligayang Araw ng Kalayaan sa ating lahat.