Breaking

ESSAY: Bakit Utak-Talangka ang mga Pinoy?

Photo by John Lambeth from Pexels

Ano Ang Utak-Talangka o Crab Mentality?

Ang talangka ay isang uri ng alimango. Mas maliit ito kaysa sa karaniwang alimango. Kapag nilagay ang mga talangka sa isang timba o lalagyan, mapapansin na maghihilahan ito pababa. Kaya, sa dulo, hirap ang mga ito na makawala o makalabas mula sa timba. Ang ending, lahat pa rin ng talangka ay nakakulong sa timba.

Ayon sa isang diksyonaryo, ang utak-talangka ay isang paglalarawan sa taong nais makaangat sa buhay sa pamamagitan ng paghatak sa iba nang pababa.

Kilala ang mga Pinoy sa pagkakaroon ng utak-talangka. Technically, wala namang utak ang mga talangka. Kaya kapag sinabing utak-talangka, ito ang mindset na kung saan ay gagawin ng isang tao ang lahat ng bagay huwag lang siyang maangatan ng iba.

Ang pagkakaroon rin ng utak-talangka ay maiuugat natin sa pagiging kolonya ng iba’t ibang bansa. Nasanay ang mga Pinoy sa karaniwan na lamang. Kaya naman, kapag may nakakaangat, may talangka na handang humila sa kanya pabalik sa pangkaraniwan lamang.

Hindi naman lahat ng Pinoy ay utak-talangka. May mangilan-ngilan pa rin talagang hindi na nakaalis sa ganitong pag-iisip. Talagang niyakap na nila ang ganitong ugali, kaya naman sa tuwing may nagtatagumpay, may talangka pa rin talagang hindi masaya.

Ang Mga Utak-Talangka sa Panahon ng Pandemya

Noong Biyernes, July 10, 2020, hindi binigyan ng prangkisa ang ABS-CBN. Ito na ata ang pinakamalungkot na Biyernes sa kasaysayan ng pamamahayag. Ang isa sa pinakamalaki at pinakamatagal na istasyon sa Pilipinas ay hindi na muling mapapanood sa telebisyon. Ang kinalakihan na istasyon ng mga Pinoy ay tuluyan nang hindi binigyan ng pagkakataon na umere ulit. Hindi na muling masisilayan ang mga artistang napapanood at kinalakihan na natin.

Kung ang Pilipinas ay isang timba, nasa loob nito ang iba’t ibang uri ng talangka. Habang sinusubukang maging matagumpay ng nasabing istasyon ang kanilang pamamahayag, may ilang talangka pa rin talagang hindi mapigilang hilahin sila pababa. Marahil, ang mga talangkang ito ay kontrolado ng isa pang malaking grupo ng mga talangka. Hindi nila alam na baka sa susunod, sila naman ang mahila at mahatak papunta sa ibaba.

Alam ng lahat na napakatagal na ng istasyon na ito sa bansa. Naipasara man ito noon, hindi ito tumigil sa kanilang pamamahayag at nagpatuloy pa rin silang umere. Nakakadismaya na naging biktima ang ABS-CBN sa pagkakaroon ng utak-talangka ng ilan sa mga Pinoy. Ang tanong, bakit may mga utak-talangka pa rin hanggang ngayon?

Bakit nga ba utak-talangka ang mga Pinoy?

1. Walang utak ang mga talangka. Kapag ang isang tao ay walang sapat na pag-unawa, hindi niya malalaman kung ano ang tama o mali. Hindi rin niya malalaman kung aling bagay ang makakasama at makakasakit sa kanya. Ang pagkawala ng ABS-CBN sa ere ay may malaking epekto sa ekonomiya ng bansa. Magkakaroon ng pagdududa ang mga investors sa kung anong klaseng pamahalaan nga ba meron ang Pilipinas.

2. May utak-talangka sa Pilipinas dahil matagal ring nasakop ng mga dayuhan ang ating bansa. Dahil sa pagiging sunud-sunuran ng mga Pinoy noon, naging kuntento na lamang sila sa kung ano ang ihahain sa kanila. Sinimulan ng mga Kastila ang relihiyong Katoliko, niyakap ito agad. Ginamit ng mga Amerikano ang Ingles bilang wika sa paaralan, walang nagawa ang mga Pilipino kundi yakapin ito.

Nasanay na ang mga Pinoy sa kung ano ang ibibigay sa kanila. Dahil dito, kapag may ibang Pinoy na sasalungat o gagawa ng bagay na higit sa karaniwan, hinihila nila ito pababa. Dapat hanggang dito lang. Dapat hindi ka lalagpas. Dapat sumunod ka na lang. Tunay ngang nakadikit sa kultura ang pagkakaroon ng crab-mentality.

3. Dahil sa takot, naging utak-talangka ang mga Pinoy. Ganitong-ganito ang nangyari sa pagtanggi ng kongreso na bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN. Mayroon bang nananakot sa 70 na kongresistang hindi sumang-ayon? May takot ba sa kanilang mga puso kung kaya walang pagdadalawang-isip nilang hinila ang istasyon pababa. Hindi nga lang nila hinila. Mukhang paulit-ulit pang tinapakan.

4. Ang pagkakaroon ng utak-talangka ay dahil sa inggit. Kung mainggitin ang isang tao, hindi niya alam kung paano tunay na magiging masaya para sa tagumpay ng iba. Kung ang isang tao ay mainggitin, mahihirapan siya na hayaan ang isang tao na makahaon sa buhay. Marami ring nagagawa ang inggit. Nakakalimutan ng isang mainggiting tao ang mahalin ang kanyang sarili, ang mga bagay na meron siya, at ang mga pagkakataon na ibinigay sa kanya.

5. Defense Mechanism ang paghila ng talangka sa kapwa talangkang nakakaangat na sa buhay. Sabihin na natin ang nagsusumikap na talangka ay wala namang ginawang direktang pananakit sa ibang talangka, pero dahil na rin sa defense mechanism ng mga inggiterong talangka, ayaw nilang malamangan at masaktan kaya ang paghila nila pababa sa iba ay defense mechanism nila. Ayaw nila na masaktan sa hinaharap. Kaya habang maaga, ito na ang ginagawa nila.

May gustong patunayan ang mga utak-talangka. Hindi nila mapapatunayan iyon kung may talangkang pilit na nagsusumikap na makaraos sa buhay. Kaya naman, habang maaga ay pinipigilan ang tagumpay na iyon.

Ang ugali ng talangka ay isang perpektong metaphor sa Pilipinas. May mga opisyal pa rin sa pamahalaan na gustong makatulong nang bukas sa loob pero dahil sa pulitika at iba pang personal na interest, may mga talangkang nanghihila sa kanila pababa.

Ang batang mayor na ito ay pilit na hinihila pababa dahil sa kanyang galing at diskarte. Natatakot ang ibang talangka na maungusan sila. Naiinggit ang ibang talangka sa mga nagawa na niya. Mabuti na lang at hindi siya tuluyang nahila sapagkat napaliligiran pa rin siya ng mga talangkang handang mag-angat sa kanyang mga mabubuting hangarin.

Napakarami pa rin talagang Pinoy na utak-talangka pero sa kabila nito, mayroon pa ring iilang Pinoy na handang tumulong sa iba upang umangat. May mga tao pa rin talagang handang magbigay ng tulong sa iba sa abot ng kanilang makakaya.

Nasaan na ang mga mainggiting talangka sa ganitong sitwasyon? Nandoon sila at pilit na nagpopokus sa ibang bagay katulad ng pagpapalit ng pangalan ng airport, pagpapasara ng ABS-CBN, at pagsasampa ng kaso sa founder ng Rappler.

Darating ang araw na ang mga mainggiting utak-talangka ay huhulihin, igagapos, at ilalaga sa kumukulong tubig hanggang sa tuluyan na silang hindi na makapanghila ng ibang talangka pababa.

ABOUT THE AUTHOR: Wattpad writer and teacher Kim Derla is the author of several Tagalog romance novels and relationship non-fiction published by Lifebooks. Among her bestselling works are “Sir, You’re Hot!,” “When Heart Skips a Beat,” “Hugot ng Bitter,” “Nag-assume, Nagmahal, Naiwan, Nasaktan,” and “After Breakup.”

6 Comments on ESSAY: Bakit Utak-Talangka ang mga Pinoy?

  1. Anonymous // July 19, 2020 at 11:31 am //

    Dinaya kasi ng ABS “legally” ang tax nila. Wud u believe na mas mataas pa ang binayarang tax ng GMA Network for 2018 and 2019 e sila ang no. 1 network? Of course cleared sila ng BIR but that doesnt mean na binayaran nila ng tapat ang buwis nila.

  2. I love this article! Kudos for Starmometer for publishing it. This is so true. FYI- a very reputable survey said the majority of pinoys want ABS franchise. panalo tyak kung ang sambayanan ang bumoto. mas maraming pinoy pa rin ang hindi talangka.

  3. Yanong Pinoy // July 17, 2020 at 12:23 pm //

    There are so many people writing against the decision of Congress regarding the closure of ABS-CBN. We should accept and respect the decision of 70 congressmen/congresswomen because they are the people who heard and evaluated the arguments presented during the deliberation of ABS-CBN application.

  4. Please translate into English. Thanks.

  5. 2022whereareu // July 16, 2020 at 9:14 am //

    Nakakatakot dahil majority of the Filipino people ay utak talangka, kasama na ang mga bumoto noong nakaraang election. Dala ito ng inggit, takot, katangahan dahil walang utak, kumakapit at humihila pababa sa kapwa.

  6. Anonymous // July 16, 2020 at 2:26 am //

    Insecure/selos ka is a very common word to many Pinoy. I wonder why.

Leave a comment

Your email address will not be published.




Shares