Tom Rodriguez and Rhea Santos Host ‘#Throwback 2014,’ GMA’s Yearend Special
Nasaksihan ngayong taon kung paano nakatulong ang Closed Circuit Television o CCTV cameras sa pagresolba ng iba’t ibang krimen sa bansa. Maraming netizen ang nagngitngit nang malaman ang sinapit ng 11-buwang gulang na batang ginahasa at pinatay sa San Juan City. Ginamit ding ebidensya ang CCTV sa mga kaso ng pambubugbog sa aktor na si Vhong Navarro at sa hazing victim na si Guillo Servando.
Nagimbal naman ang marami sa mga aksidente na nangyari ngayong 2014. Kasama riyan ang bus na nalaglag sa bangin, mga eroplang bumagsak, at iba pang mga insidenteng nakakuha ng maraming comments sa social media. Sa pamamagitan pa rin ng mga post sa social media sites, nalaman natin ang kondisyon ng mga kababayan nating nasalanta ng mga bagyong Glenda, Mario at Ruby.
Ang pinoy politics ngayong taon, puno ng mga isyu at kontrobersya. Nagpatuloy ang imbestigasyon sa mga umano’y sangkot sa pork barrel scam. At maging ang Disbursement Acceleration Program o DAP ni Pangulong Noynoy Aquino, naging mainit na usapin. Nandyan din ang mga akusasyong korapsyon sa ilan pang matataas na opisyal ng bansa.
Panatiko ring sinubaybayan ng marami ang mga maiinit na kaganapan sa sports lalo na’t muli na namang naitaas ang bandila ng Pilipinas sa larangan ng boxing, archery, figure skating at basketball.
2014 ang taon din ng showbiz wedding proposals. Kanya-kanyang gimik ang mga sikat sa pag-pop ng magic question na “Will you marry me?”. Nanguna na rito ang Kapuso Royal couple na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera. Sinundan ito ng isa pang power couple na sina Senador Chiz Escudero at Kapuso Actress Heart Evangelista.
Lahat ng iyan at iba pang maiinit na trending na kaganapan, abangan sa #Throwback 2014, the GMA News and Public Affairs Yearend Special, ngayong Sabado na, 8:30 pm, pagkatapos ng Magpakailanman, sa GMA 7.