Star Power Grand Finals – Photos
Walang patid ang pag-agos ng luha at halos hindi makapagsalita si Angeline Quintos noong Linggo,matapos inanunsiyo ng kanyang ultimate mentor na si Megastar Sharon Cuneta na siya ang nagwagi sa Star Power Sharon’s Female Pop Superstar.
Kasama ang kanyang pamilya at daan-daang supporters na dumalo, masayang tinanggap ni Angeline ang kanyang pagkapanalo’t umaapaw na mga premyo. Punong-puno ang Ynares Center sa Antipolo City sa pagdumog ng 3,500 katao upang saksihan ang di-makakalimutang Star Power The Final Showdown.
“Salamat po talaga Lord,” tanging salitang nasambit ni Angeline. Matapos ang kanyang makasaysayang pagkapanalo, inilahad niya na bago ang kapana-panabik na grand finals, bumisita siya sa iba’t ibang simbahan sa Maynila tulad ng Baclaran Church at Quiapo Church upang hilingin ang kanyang pagkapanalo. Ganumpaman, hindi naging kampante si Angeline. Sa halip, sinamahan niya ng matinding pag-eensayo ang kanyang taimtim na panalangin.
Nauwi ni Angeline ang premyong P1 milyon, SUV Hover mula sa Great Wall Cars exclusively distributed by State Motors Corporation at ang napaka-eleganteng JMK diamond jewelry set. Isang kontrata sa Star Magic din ang naghihintay para kay Angeline. Lahat naman silang finalists ay magkakamit ng isang Sony entertainment showcase at kabilang na sa masaya at talentadong pamilya ng ASAP Rocks.
Bago tuluyang nasungkit ni Angeline ang pinapangarap na Star Power Female Pop Superstar title. Dumaan siya sa mainit na showdown katunggali ang kanyang co finalists na sina Akiko Solon, K-La Rivera, Monica Sacay at Krissel Valdes. Sa unang round, personal song choice ang kanilang inawit. Sa pagkakataong ito, hindi pinalad si Akiko magpatuloy. Face-to-face naman ang naging lababan ng natitirang apat na finalists—Angeline versus Monica at K-La versus Krissel. Sumunod na natanggal si K-La. At para sa huling showdown, inawit nina Angeline, Krissel ang awiting sinulat para lamang sa kanila. Ang mga kantang ito ay ang magiging kauna-unahang single nila. Si Monica naman ang sumunod na namaalam.
Hindi naman dapat umuwing luhaan sina Akiko, K-La, Monica at Krissel bagaman hindi nila nasungkit ang minimithing titulo. Ani mega at ng mga resident judges na sina Billy Crawford, Direk Bonot Mortiz at Mitch Valdes, sila’y maituituring nang kabilang na sa Philippine music industry. Dagdag pa nila ang tunay na labanan ay nagsisimula sa pag-umpisa nila sa kanilang mga karera bilang singers ng bagong henerasyon.
“Girls, tandaan niyo yung parati kong tinetext sa inyo. You’re all winners,” ani Mega.
Ang grand champion na si Angeline, bigay todo sa pag-awit ng “What Kind Of Fool Am I” sa unang round. Sa sobrang taas ang ganda ng kalidad ng kanyang tinig, hinsi sukat-akalain ng lahat na mapapasuko niya ang ginagamit na mikropono. “I Don’t Wanna Miss Thing” naman ang kanyang isnunod ni ibinirit. At ang kanyang awitin, na talaga namang tumatak sa lahat, ay ang Patuloy ang Pangarap na isinulat ni Jonathan Manalo. Ani ng mga nakasaksi sa nakakakilabot na performance ni Angeline, akmang-akma ang lyrics ng kantang ito sa kanyang mga pinagdaanan sa buhay.
Kasama ng resident judges sa pagkilatis sa bawat performances sina Linggit Tan, ABS-CBN Head of Entertainment at Anabelle Regalado, Managing Director of Star Records. Sila ang kumatawan sa ABS-CBN Management na 30% sa kabuuang grado ng mga Star Power finalists. Ang 30% ay mula naman sa mga hurado at 40% naman mula sa text and online votes.
Photos by Allan Sancon