Mara Fights Back on the Next Episode of ‘Mara Clara’
Lalo pang tumitindi ang iringan sa pagitan nina Kathryn Bernardo at Julia Montes sa top-rating na serye ng ABS-CBN ang “Mara Clara” na siya na namang nanguna sa nationwide ratings ayons sa Kantar Media.
Tinalo na naman ng “Mara Clara” ang katapat nitong programa na “Grazilda” ng GMA 7. Nagkamit ng 32.3% na rating ang nasabing ABS-CBN serye habang 19.5% lamang ang nakuha ng kabila noong Biyernes (January 7).
Sa mga susunod na tagpo, totohanan na na may masasaktan. Hindi lang matitinding sampalan at sabunutan ang matutunghayan. Masusugatan ni Mara (Kathryn) si Clara (Julia). Ganti nga ba ito ni Mara sa pasama na pasamang ugali ng kanyang itinuring kaibigan na si Clara?
“Pagkatapos naming gawin yung mga eksena na nagsasampalan o nagsasabunutan, nagtatawanan kami pagkatapos,” kwento ni Kathryn. “Syempre naman po hindi naman namin kasi naisip na gagawin namin yun sa isa’t isa. ‘Di naman po kasi namin yun magagawa sa tunay na buhay talaga. Hanggang television lang po iyon,” pahayag naman ni Julia.
Sa kabilang dako, sabay sa pagsama ng ugali ni Clara ay ang pagsama rin ng mga balak ni Gary (Jhong Hilario). Ano kaya ang kanyang mga susunod na hakbang?
Abangan ang mga susunod na mangyayari sa “Mara Clara,” Lunes hanggang Biyernes sa ABS-CBN pagkatapos ng “Noah.”