The final 6 of 20 Star Power finalists are now ready to sing in "My Story, My Song."
Maliban sa kanyang puspusang mentoring, hindi na talaga mapipigil ang paghahandog ng nag-iisang Megastar Sharon Cuneta ng mga umaatikabong sorpresa para sa mga 20 Star Power Finalists. Lahat kasi sila ay nagkaroon ng pagkakataon noong nakaraang linggo na makapanood ng pinakaabangang concert ng Legendary Hitman at 14-time Grammy Award winner na si David Foster, kasama pa ang ilang international superstars tulad ni Charice.
“Naiiyak ako sa tuwa,” sambit ni Kaye Racho (18, Cebu), isa sa 20 finalists, habang papasok sa gate ng Araneta Coliseum upang saksihan ang David Foster concert. “Parang pangarap lang, shivers talaga,” hiyaw naman ng contender from Canada na si K-la Rivera matapos marinig ang hit na hit na Pyramid na inawit ni Charice.
Lalo pang nagulantang ang mga kalahok nang malaman nila na bukod sa world-class na konsiyertong kanilang pinanood, mayroon pa silang isang exclusive meeting with Charice. Pagpasok pa lang ng international singing sensation sa Star Power meeting room, agad naghiyawan ang finalists kasabay ang masigabong palakpakan.
“Siyempre, minsan, hindi naman maiiwasang matalo ka. Isa yan sa reasons kung bakit lalakas yung loob mo. Kasi kapag natalo ka, mas gagawin mo yung best mo sa susunod. Mas importante lang na mas pairalin mo yung friendship kaysa sa competition,” payo ni Charice sa mga contenders.
Buong pagpapakumbaba ding inamin ni Charice na ilan sa mga mapalad na mini-mentor ni Mega ay ang kanyang nakalaban noong siya ay sumasali pa sa mga amateur singing contests. “Familiar faces,” ika nga ni Charice. Tinukoy niya si Angeline Quinto (20, City of Manila) at Ninay Lescano (20, Lipa City) bilang ilan sa mga naging katunggali niya dati.
“Wala naman akong right na magbigay ng tips sa inyo, kasi hindi naman ako naiiba sa inyo. So I guess, ang masasabi ko lang, just be yourself. Just be humble always. ‘Yan ang pinaka-importante sa lahat kasi kahit na alam kong lahat kayo , malayo yung mararating nyo. But if you stay the way you are, mamahalin kayo ng maraming tao,” dagdag pa ni Charice.
Samantala, ngayong Linggo sa Star Power, pagkatapos ng Rated K sa ABS-CBN, ang nalalabing anim—Jizelle Formilleza (19, Compostella Valley), Rose Ann Francisco (15, Batangas), Natasia Cunanan (20, Bulacan), K-la Rivera (19, Canada), Mia (18, Mandaluyong City) at Monica Sacay (15, Leyte)—mula sa 20 finalists ang handing-handang nang ilahad ang kwento ng kanilang buhay sa My Story, My Song.
Patunay lamang na malaki ang kanyang pagmamahal sa musika, iba’t-ibang musical instruments ang pinag-aralang tugtugin ni Jizelle . At dahil sa kanyang pagpupursige, marami ang humanga sa mga talent niya. Ganumpaman, mababa ang self-confidence ni Jizelle. Aniya, masakit daw kasing “i-down” at i-kumpara sa iba, kaya magpasa-hanggang ngayon, hindi pa rin niya gaanong masinagan ang ningning na nakikita ng iba sa kanya. Sa tulong ng Star Power, kanyang pamilya’t boyfriend, umaasa si Jizelle na unti-unting manunumbalik ang kanyang tiwala sa sarili.
Business-minded naman daw na maituturing itong si Rose Ann. Lahat daw kasi ng raket, basta pagkakaperahan, ay kina-career daw niya. Kaagapay ang amang jeepney driver, inang house wife, kakambal, at lima pang kapatid, sinisikap ni Rose Ann na itaguyod ang kanyang pamilya sa pamamagitan ng kanyang talent. Kwento niya na minsan daw ay nanalo siya sa isang singing contest, at yung napanalunan niya ay ginamit nila para makabili ng school supplies. Ganoon na lang ang pagsisikap ni Rose Ann dahil ayaw niyang maranasang muli ang hindi makakain sa oras.
“Hindi kumpleto ngunit masaya,” ganito isinalarawan ni Natasia ang kanyang buhay. Hiwalay kasi ang mga magulang niya at ang ama’y mayroon ng sariling pamilya. Ang ina naman niya ay nag-asawang muli ngunit hiwalay na daw ulit ito ngayon. Ang masaklap pa, kamakailan lang ay may nadiskubreng tumor sa utak ng pinakamamahal na ina. Bilang anak ng single mom na may sakit, mahirap ito para sa kanilang magkakapatid. Kaya naman maliban sa pangarap na maging isang singer, naging dahilan din ni Natasia ang pagpapagamot ng ina sa pagsali sa Star Power.
Malaki naman ang naging pakikipagsapalaran ni K-la nang iwan ito ang bansang Canada upang harapin ang mga kababayan sa Pilipinas at i-pursue ang pinapangarap na singing career. Kahit sobrang masakit daw ang mawalay siya kanyang ama at iba pang mga kapatid, aniya nais pa rin niyang tuparin ang kanyang mga pangarap. Labis na nahahabag din daw si K-la para sa inang piniling samahan siya sa Manila, maipagpatuloy lang ang hangarin.
Pinakamalaking achievement naman para kay Mia ang makapasok sa prestihiyosong Berklee College of Music sa Boston, Texas. Mula pagkabata, hilig na talaga ni Mia ang musika. Aminado ang dalaga na impluwensya ng kanyang pamilya ang kanyang pagiging music lover. Sa katunayan, lahat silang magkakapatid, marunong tumugtog ng piano and violin. Aniya, minsan kailangan talagang mag-sakripisyo upang matupad ang mga pangarap. Mas pinili kasi niyang maging bahagi ng Star Power upang malaman ito nga pala talaga ang magdadala sa kanya sa pinapangarap na stardom. “Berklee can wait. My time to shine is now,” sabi ni Mia.
Ilang taon na ang lumipas simula nang maulila si Monica sa mga magulang. Ngunit minsan ay nalulungkot pa rin siya sa tuwing naiisip niya ito. Matapos pumanaw ang kanyang ama, nagkasakit na din ang kanyang ina. Madalas imbitahan si Monica upang umawit sa mga kasal, birthday parties at maging sa mga lamay matustusan lang ang gamot ng ina. Ang pinakamasaklap na karanasan niya ay ang manlimos siya upang may mapakain at maipang-gamot siya sa kanyang maysakit na ina, na di kalauna’y namatay din. Sobrang mahirap daw talaga ang mawalan ng mga magulang. Ganumpaman, kakayanin pa rin daw niyang bumangon sa tulong ng mga taong patuloy na nagtitiwala at nagmamahal sa kanya.
Nakilala na ang 20 Star Power Finalists. Sino kaya sa kanila ang magniningning ng husto? Abangan at huwag palampasin ang kauna-unahang search ni Sharon para sa next female Pop Superstar ngayong Linggo, pagkatapos ng Rated K sa ABS-CBN.
Related